DISCLAIMER: This dedicated site is available to provide information to media and other stakeholders in order for them to provide accurate and timely information to the public.
MGA FAQ NG TANGGAPAN PARA SA PAGSUSUMITE NG MGA CLAIM KAUGNAY NG PRINCESS EMPRESS
Nagtayo ang Shipowners’ Club at ang IOPC Funds ng pinagsamang Tanggapan para sa Pagsusumite ng Mga Claim para makapagproseso ng mga claim ng third party mula sa pinsala ng polusyong dulot ng pagtagas ng langis ng Princess Empress. Layunin ng mga FAQ na ito na matulungan ang mga potensyal na claimant sa kanilang pag-unawa sa proseso ng mga claim. Posibleng mangailangan ng mga karagdagang pag-update sa mga FAQ na ito habang nagpapatuloy ang pangongolekta at pagpoproseso ng mga claim.
1. Maaari ba akong maghain ng claim?
Maaaring maghain ng claim ang sinumang nakaranas ng pagkalugi o nagtamo ng mga gastusin bilang resulta ng pinsala ng polusyong dulot ng insidenteng kinasangkutan ng PRINCESS EMPRESS. Kabilang dito ang, ngunit hindi limitado sa mga indibidwal (hal. mangingisda, nagtitinda ng isda, mga may-ari ng bangkang pangisda), mga negosyo (hal. mga hotel, tindahan, o restaurant), at mga empleyado ng mga naturang negosyo, pati na ang mga lokal at pambansang awtoridad.
Kailangang maipakita ng mga claimant na ang naranasan nilang pagkalugi ay direktang resulta ng pagtagas at dapat maipakita nila ang halaga ng natamo nilang pagkalugi o pinsala sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga rekord sa accounting o iba pang naaangkop na ebidensya.
2. Mayroon bang anumang form na available?
May apat na form ng mga claim na available sa lahat ng mga claimant (tingnan sa ibaba). Depende sa mga sitwasyon, posibleng baguhin ang mga form ng mga claim na ito pero hindi nito maaapektuhan sa anumang paraan ang isang claim na posibleng dati mo nang naihain at wala itong magiging epekto sa mga kinakailangan para sa pagsusumite ng iyong claim.
-
Form ng claim para sa mga pang-ekonomiyang pagkalugi sa sektor ng mga fishery, marine farming, at pagpoproseso: para sa pagkawala ng mga ipon/kita na naranasan mo dahil sa pagtagas o dahil sa kawalan mo ng kakayahan na makapag-operate bilang resulta ng pagkakalangis ng iyong ari-arian sa pangingisda/marine farming.
-
Form ng claim para sa mga pang-ekonomiyang pagkalugi sa sektor ng turismo: para sa mga pagkawala ng ipon/kita na naranasan ng iyong negosyo dahil sa pagtagas.
-
Form ng claim para sa pagkasira ng ari-arian: para sa mga gastusing natamo sa pagpapaayos, paglilinis, o pagpapalit ng napinsalan o nalangisang ari-arian dahil sa pagtagas.
-
Form ng claim para sa mga gastusin sa pag-clean up at mga pang-iwas na hakbang: para sa mga gastusing natamo sa pagsasagawa ng mga hakbang para mapigilan o mabawasan ang pinsala ng polusyon sa dalampasigan o sa dagat. Kabilang din dito ang mga gastusing natamo ng mga lokal at pambansang awtoridad bilang resulta ng pagtagas.
3. Saan ako makakakuha ng form?
Available ang mga form at mada-download ang mga ito mula sa mga sumusunod na website : https://iopcfunds.org/princess-empress-information-for-claimants/ at https://www.princessempressinformationcentre.com/claims-en sa English at Tagalog. Ipinapamahagi rin ang mga form sa anyo ng papel sa pamamagitan ng Tanggapan para sa Pagsusumite ng Mga Claim. Walang bayad ang mga form.
4. Saan ko maaaring isumite ang aking claim?
Ang mga tauhan lang ng Tanggapan para sa Pagsusumite ng Mga Claim ang awtorisadong mangolekta at tumanggap ng mga claim sa lugar. Para maisumite ang iyong claim, maaari mong gawin ang alinman sa mga sumusunod:
-
Bumisita sa isa sa mga center/caravan para sa pagkolekta ng mga claim at isumite ang iyong form sa isang awtorisadong Tagaproseso ng Mga Claim na nagtatrabaho sa Tanggapan para sa Pagsusumite ng Mga Claim. Malalaman ng alkalde ng iyong munisipalidad at kapitan ng barangay ang tungkol sa pagbisita nila; o
-
Ipadala ang iyong nakumpletong form sa Princess Empress Claims Submission Office, ABBJ Building, Sto Nino, Calapan City, 5200 Philippines; o
-
I-email ang iyong nakumpletong form sa CSO_PE@iopcfundsclaims.org
5. Kailan bibisita ang mga caravan para sa mga claim sa aking barangay?
Ginagawa ng Tanggapan para sa Pagsusumite ng Mga Claim ang lahat ng makakaya nila para mabisita ang mga apektadong munisipalidad at barangay sa lalong madaling panahon. Opisyal na kakaugnayin ng Tanggapan para sa Pagsusumite ng Mga Claim ang alkalde ng iyong munisipalidad at kapitan ng barangay para makatukoy ng petsa at lokasyon para sa pagbisita ng mga caravan para sa mga claim. Sa panahon ng pagbisitang ito, ang mga awtorisadong Tagaproseso ng Mga Claim ay magpapamahagi ng mga form, magsasagawa ng mga pakikipanayam sa claimant, at magpoproseso ng mga claim. Pakitandaang posibleng bumisita nang maraming beses ang mga caravan para sa mga claim sa isang lugar para mabigyan ka ng oportunidad na ihain ang iyong claim kung nagtamo ka ng pagkalugi.
6. Kailangan ko ba ng anumang anyo ng legal na pagkatawan para maisumite ang aking claim?
Para maisumite ang iyong claim, hindi ka inaatasang magkaroon ng legal na kinatawan. Ang kailangan lang para sa pagsusumite ng iyong claim ay ang pagkumpleto sa form at pagbibigay ng patunay na sumusuporta sa iyong pagkalugi.
7. Anong dokumentasyon ang dapat kong ibigay bilang suporta sa aking claim?
Kailangang patunayan ng mga claimant ang kanilang pagkalugi sa pamamagitan ng pagbibigay ng naaangkop na ebidensya. Ang bawat form ng claim ay may kasamang checklist ng mga kinakailangan/pansuportang dokumentasyon na dapat ibigay. Pakibasa nang mabuti ang checklist bago mo isumite ang iyong claim o bago ka bumisita sa isa sa mga center para sa mga claim.
Dapat magdala ka ng kahit patunay man lang ng iyong pagkakakilanlan gaya ng fisherfolk ID, national ID, lisensya sa pagmamaneho (tingnan ang annex 2 para sa listahan ng mga ID na inaprubahan ng pamahalaan). Dapat magdala ka rin ng patunay ng iyong negosyo. Posibleng kabilang dito ang:
-
Iyong pagpaparehistro ng negosyo (hal. mayor’s permit)
-
Iyong pagpaparehistro ng bangkang pangisda (LGU o BFAR). Kung nakakaapekto ang iyong pang-ekonomiyang pagkalugi sa mahigit sa isang bangka, mangyaring magdala ng kopya ng sertipiko ng pagpaparehistro para sa lahat ng bangka. Kung nagtatrabaho ka para sa isang bangkang pangisda, maaari kang magdala ng kopya ng pagpaparehistro mula sa iyong employer. Bilang alternatibo, maaari mong tukuyin sa form ang buong pangalan (pangalan, gitnang pangalan, at apelyido) ng iyong employer. Mangyaring malinaw na isaad sa form na ikaw ang empleyado at hindi ang may-ari. Kung ang sahod mo ay bahagi ng huli, pakisaad ito sa form.
Kung gusto mong magbigay ng mga dokumento maliban sa mga nakalista sa form, maaari mo itong gawin. Lubos na inirerekomendang dalhin mo ang mga dokumentong ito kapag nagpunta ka sa isa sa mga center para sa pagkolekta ng mga claim. Gagawa ng kopya ang mga tagaproseso ng mga claim at ia-attach ang mga ito sa iyong claim.
8. Ano ang mangyayari kung wala ako ng lahat ng dokumentasyon sa checklist para masuportahan ang aking claim?
Kaugnay ng pangangailangang magpakita ng mga dokumento, may antas ng pleksibilidad depende sa partikular na sitwasyon ng claimant. Kukunin ng mga tagakolekta ng claim ang anumang dokumentong gusto mong isumite para masuportahan ang claim. Inirerekomendang dalhin mo ang iyong mga dokumento kapag naghain ka ng iyong claim para makagawa ng kopya ng mga ito.
9. May limitasyon ba sa oras para sa pagsusumite ng aking claim?
Dapat isumite ang mga claim sa lalong madaling panahon at, kung sakali man, nang hindi lalampas sa tatlong taon mula sa petsa kung kailan nangyari ang pinsala. Halimbawa, kung nagsimula ang iyong pagkalugi sa pag-uumpisa ng fishing ban noong ika-6 ng Marso 2023, maaari mong isumite ang iyong claim hanggang sa ika-6 ng Marso 2026.
10. Maaari ba akong magsumite ng mahigit sa isang claim?
Oo, maaari kang magsumite ng mahigit sa isang claim kung nagtamo ka ng iba't ibang uri ng pagkalugi. Halimbawa, maaari kang magsumite ng claim para sa pagkapinsala ng ari-arian at claim para sa pang-ekonomiyang pagkalugi.
Dahil hindi valid ang mga claim para sa mga pagkalugi sa hinaharap, maaari ka ring maghain ng mga claim para sa iba't ibang period. Halimbawa, kung nagtamo ka ng pagkalugi dahil sa fishing ban, malamang na magpapatuloy ang iyong pagkalugi hanggang sa hinaharap hanggang sa alisin ang ban. Maaari kang magsumite ng claim sa iba't ibang interval, hal., mula sa pag-uumpisa ng ban hanggang sa petsa ng pagsusumite mo ng iyong claim.
11. May karapatan ba akong mag-claim kung hindi naman nahinto ang aking negosyo dahil sa pagtagas?
Para makapaghain ng claim para sa pang-ekonomiyang pagkalugi, hindi kinakailangang dapat nahinto ka sa iyong aktibidad. May karapatan kang mag-claim kahit na nag-o-operate ka pa rin. Dapat maipakita sa iyong claim na nakaranas ka ng pagkawala ng kita sa panahong ito ng taon dahil sa pagtagas kumpara sa mga nakaraang taon. Posibleng kailanganin ang patunay ng kita mula sa mga nakaraang taon. Bilang pagsasaalang-alang sa mga pagkaantala sa negosyo sa panahon ng Covid, maaari kang magbigay ng impormasyon tungkol sa iyong kita para sa mga taon bago nagkaroon ng Covid.
12. Ano ang gagawin ko kung hindi tumutugma ang kompyutasyon sa mga pagkaluging naranasan ko?
Ang mga talahanayan para sa kompyutasyon ng pagkalugi sa annex ng mga form ay para lamang magsilbing sanggunian at nilalayon para matulungan ang mga claimant. Kung, kasunod ng kompyutasyon, hindi masalamin ng pangkalahatang halaga ng claim ang pagkaluging iyong natamo, maaari kang gumamit ng ibang paraan ng pagkalkula ng iyong pagkalugi at isulat ito sa isang blangkong piraso ng papel. Tiyaking naka-attach ito sa iyong form. Gayunpaman, pakitandaang dapat tukuyin ang mahahalagang impormasyon kaugnay ng iyong gross na kita, mga gastusin/gastos bago ang at sa panaho ng pagtagas at ang anumang ipon na nakuha mo dahil sa pagtagas.
13. Ano ang mangyayari pagkatapos maisumite ang aking claim?
Ipoproseso ang iyong claim sa tanggapan para sa mga claim at gagawa ng isang elektronikong rekord nito gamit ang isang natatanging numero ng pagkakakilanlan para sa iyong claim. Kakaugnayin ka namin gamit ang numero ng telepono o email address na ibinigay mo sa iyong form para maabisuhan ka tungkol sa numero ng iyong claim. Ito ang link mo sa iyong claim at ito ang magiging paraan kung paano ka mabibigyan ng impormasyon tungkol sa status ng iyong claim.
Para sa mga claimant na nabigyan ng control number (tingnan ang Figure 1), pakitandaan na iba ang numerong ito sa natatanging numero ng pagkakakilanlan ng claim at pansamantala lang ito habang sine-set up ang mga system. Kapag nakaugnayan ka na namin, maaari mo nang balewalain ang control number na ito at gamitin ang natatanging numero ng pagkakakilanlan sa itaas.
Figure 1 Control number (temporary)
Kapag naisumite at naiproseso na ang iyong claim, ipapamahagi ito sa mga ekspertong magkasamang itinalaga ng Shipowners’ Club at ng IOPC Funds na siyang magsusuri sa impormasyon, sa kompyutasyon ng pagkalugi at mga pansuportang dokumento/kinakailangan. Kung mayroong anumang query tungkol sa iyong claim, posibleng atasan kang magbigay ng karagdagang ebidensya. Ang pasya kaugnay ng antas ng kompensasyon ay gagawin lang ng Shipowners’ Club at ng IOPC Funds pagkatapos ng pagsasaalang-alang sa claim. Hindi kasangkot ang Tanggapan para sa Pagsusumite ng Mga Claim sa pagtatasa/pagsusuri ng claim o kahit sa pagpapasya tungkol sa antas ng kompensasyon.
14. Ano ang dapat kong gawin kung hindi tumutugma ang aking pagkalugi/pagkapinsala sa alinman sa mga form na kasalukuyang available?
Kung gusto mong maghain ng claim para sa iba pang uri ng pagkalugi na hindi sinasaklaw ng mga kasalukuyang available na form, dapat kang makipag-ugnayan sa tanggapan para sa mga claim sa pamamagitan ng pag-email sa CSO_PE@iopcfundsclaims.org o bisitahin ang tanggapan para sa mga claim/mga caravan para sa mga claim, at, magdala ng kahit patunay man lang ng iyong pagkakakilanlan at pansuportang ebidensya para maipakitang nagtamo ka ng pagkalugi bilang resulta ng pinsala ng polusyong dulot ng pagtagas ng Princess Empress.
15. Anong mga pamantayan ang ginagamit sa pagtatasa ng aking claim?
Tinatasa ang mga claim alinsunod sa mga pamantayan na itinatag ng Mga Pamahalaan ng Mga Miyembrong Estado ng IOPC Funds kabilang na ang Pilipinas. Nakatakda ang mga pamantayang ito sa 1992 Fund’s Claims Manual, na isang praktikal na gabay sa kung paano maghain ng mga claim para sa kompensasyon. Available rin ang mga alituntuning partikular sa sektor para sa mga claimant sa English, French o Spanish sa pamamagitan ng seksyon ng mga publikasyon. Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga uri ng mga claim na tinatanggap para sa kompensasyon, mangyaring sumangguni sa website ng IOPC Funds sa www.iopcfunds.org.
16. Sa anong format ko dapat ibigay ang aking claim?
Maaari mong isumite ang iyong claim sa papel sa lugar para sa pagkolekta ng mga claim sa Provincial Capitol, Oriental Mindoro, Calapan, 5200 Philippines o sa mga caravan para sa mga claim kapag bumisita sila sa mga apektadong barangay.
Kung may access ka sa isang computer, maaari mong isumite ang iyong nakumpletong form at mga dokumento sa elektronikong paraan gamit ang address na CSO_PE@iopcfundsclaims.org. Depende sa claim, kung posible, inirerekomenda ang paggamit ng mga format na gaya ng mga Excel spreadsheet para sa pagpapakita ng mga rekord ng gastos.
Maaari ring isumite ang mga claim sa pamamagitan ng pagpapadala ng sulat sa sumusunod na address: ABBJ Building, Barangay Sto Nino, Calapan City, 5200 Oriental Mindoro Philippines.
17. Gaano katagal bago ako makatanggap ng kompensasyon?
Walang impormasyon ang Tanggapan para sa Pagsusumite ng Mga Claim tungkol sa tagal ng oras na aabutin para sa pagsusuri ng iyong claim at para sa pagtanggap ng kompensasyon. Nangongolekta at nagpoproseso lang ng mga claim ang Mga Tagaproseso ng Mga Claim at tinutulungan ka sa pagtugon sa mga kinakailangan. Kakaugnayin ka tungkol sa impormasyon kaugnay ng status ng iyong claim.
Annex – Halimbawang listahan ng Valid ID na bigay ng Pamahalaan
-
Lisensya sa Pagmamaneho
-
SSS (Social Security System)
-
Philippine Identification System (“PhilSys) o ang PhilSys Number (“PSN”)
-
Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ID
-
ID bilang botante
-
Senior Citizen’s ID
-
Department of Social Welfare and Development (DSWD) Certification/4Ps ID
-
Tax Identification Card (TIN) na may larawan at lagda
-
Pag-IBIG (Home Development Mutual)
-
GSIS (Government Service Insurance System)
-
Postal ID
-
Pasaporte
-
PRC (Professional Regulation Commission) ID
-
IBP (Integrated Bar of the Philippines) id
-
Person with Disability (PWD) ID na ibinigay ng National Council on Disability Affairs (NCDA) o ng rehiyonal na counterpart nito, ang Tanggapan ng Alkalde, Tanggapan ng Kapitan ng Barangay, Tanggapan ng DSWD at iba pang kalahok na organisasyon na may Memorandum ng Kasunduan sa Kagawaran ng Kalusugan (Department of Health o DOH)
-
Mga ID na ibinigay ng Mga Tanggapan ng Pambansang Pamahalaan (hal. Armed Forces of the Philippines, Department of Agrarian Reform, Department of Environment and Natural Resources, Department of Health, Department of Justice) kabilang na ang mga Korporasyong Pagmamay-ari at Kinokontrol ng Pamahalaan (Government-Owned and -Controlled Corporations o GOCCs)
-
ID sa Paaralan/ID bilang Estudyante para sa mga kasalukuyang naka-enroll na mga estudyante, 18 taong gulang pataas, na ibinigay ng mga reputadong paaralan/kolehiyo/unibersidad na kinikilala ng Department of Education (DepEd) o Commission on Higher Education (CHEd) na may lagda ng prinsipal o pinuno ng akademikong institusyon
-
Mga ID na ibinigay ng Mga Tanggapan ng Mga Lokal na Chief Executive (Gobernador, Bise-Gobernador, Alkade at Bise-Alkalde) kabilang ang Fisherfolk ID
Claims Form Download
Princess Empress Claim Form – Fisheries
Princess Empress Claim Form – Property Damage
-
2. PROPERTY DAMAGE claim form PRINCESS EMPRESS_APR23_English.pdf
-
2. PROPERTY DAMAGE claim form PRINCESS EMPRESS_APR23_Tagalog.pdf
Princess Empress Claim Form – Tourism
Princess Empress Claim Form – Clean Up